Wednesday, August 1, 2012

UTANG NA!

Isang araw, nabulahaw si Cita ng tahol ng kanilang mga aso.  May tao kasing kumakatok sa kanilang steel gate.  Nang buksan ni Cita ang pinto ng kanilang gate, bumulaga sa kaniya si Myra.

Cita: Aba, Myra, napasyal ka!  Halika, tuloy ka.

Myra:  Ate Cita, may kailangan sana ako sa iyo e.  Hindi ba nakakahiya sa iyo?

Cita: Bakit, ano ba iyon?

Myra:  Kailangan ko kasi ng pera.  Puede bang pautangin mo ako?

Cita: Magkano ba ang kailangan mo?

Myra:  Kuwan sana e… puede bang 1.5 million?

Cita:  Anoooo?  Ang laki naman!  Aanhin mo?  Wala ka na yatang balak magpakita pagkatapos.

Myra:  Hindi naman, Ate Cita.  Kailangan ko lang talaga.  Baka kasi ma-foreclose ang bahay namin.  May notice kami ng foreclosure sa bangko.

Cita:  E, one million lang ang pera ko.  Hindi pa dumarating ang perang hinihintay ko from the States.

Myra:  Puede na iyan, Ate Cita.  Saka mo na lang ibigay ang .5 kapag dumating na ang hinihintay mong pera.  Babalikan ko na lang.

At ibinigay ni Cita ang one million pesos kay Myra.  Makalipas ang isang buwan, bumalik si Myra para kunin ang kapupunan ng inutang niya.

Myra:  Ate Cita, kailangan ko na ‘yung .5, mayroon na ba?

Cita:  Naku, sorry, Myra, wala pa e.  Nakakahiya naman sa iyo.

Myra:  E, kailan mo pala ibibigay?

Cita:  Hindi ko alam kung kailan ako magkakaroon.  Hindi ko alam kung kailan darating ang hinihintay kong pera.

Myra:  Teka… gusto mo, pahiramin muna kita ng .5?  At saka mo na lang bayaran kapag dumating na'ng hinihintay mo?